Agosto 2016
Buwan ng Wika, Ginunita
Matthew Volante at Zhina Viñas
Matthew Volante at Zhina Viñas
Bilang marubdob na pagdiriwang sa Buwan ng Wika na may temang "Wika ng Karunungan" sa taong ito, isinagawa ang iba’t– ibang patimpalak sa Paaralang Sekundarya ng Pitogo sa pangunguna ng Kapisanan ng mga Mag-aaral sa Filipino (KAFIL) sa ilalim ng pamatnubay ni G. Reggie Elardo, gurong tagapayo.
Humss B |
Talaga namang napakaganda at napakakulay ng ating wika lalong lalo na't ito ang naging pagkakakilanlan nating mga Pilipino. Bilang pagpapakita ng pagmamahal natin sa sarili nating wika at patuloy na gamitin ito sa pagkamit ng tunay na karunungan para sa kabutihang panlahat, taon-taong ipinagdiriwang ang buwan ng wika tuwing Agosto sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga patimpalak.
Si Regenald Guarin at Kirstine Duqueza |
Itinanghal na Over-all Champion ang HUMSS B matapos hakutin ang ginto sa ilang patimpalak sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika na sinundan ng STEM A at ikatlo ang ABM A.
Isa sa mga pinakamahalagang patimpalak na isinagawa ng KAFIL ay ang Lakan at Lakambini 2016 na kung saan hinirang ang tambalang Regenald Guarin at Kirstine Duqueza na kapwa mula sa HUMSS B.
Nasungkit din ng HUMSS B ang kampeonato sa Pista sa Nayon na kung saan nagawa nilang angkinin ang unang puwesto sa lasa ng pagkaing itinampok at atmospera ng booth.
Sa pagandahan ng interpretasyon naman ng awiting "Bagong Umagang Parating", nagawang angkinin ng "all-boys" mula sa STEM A ang unang puwesto na sinundan ng ABM A at HUMSS B.
Ang mga opisyales ng KAFIL kasama si Prof. Enrile |
Maliban sa mga patimpalak na talaga namang nagbigay kulay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, naglunsad din ng isang forum ang KAFIL na nagbigay ng dagdag kaalaman mula kay Prof. Aura Enrile.
Hindi magiging makabuluhan ang pagdiriwang ng buwan ng wika kung ang tunay na aral na batid nito ay hindi isinasapuso at isinasabuhay.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento